Friday, March 28, 2014

(S3) Episode 7: Make You Feel My Love

Ang Nakaraan Sa Rainbow Connection...
*****


2001
School fair. Tuwing December ay nagse-celebrate ang school ko ng foundation day. Isang linggong walang gagawin kung hindi sumakay ng rides, kumain at maglaro. Isang linggong masaya sana kung may kasama ka.

But as all you know, medyo hindi maganda ang ugali ko. Medyo lang naman. Chos. Kaya wala akong masyadong kaibigan sa school. Kung meron man akong kaibigan, feeling ko natatakot lang sila sa akin dahil bully ako. Minsan malungkot. Pero naisip ko noon na mas mabuti na 'yun. It is better that they fear me kesa ako ang mabully na bakla ako. Yes, kahit all boys school may bullying na nagaganap sa mga bakla.

Mag-isa ako noong nakaupo sa benches ng school. Kumakain ng hotdog nang may tumabi sa akin.

NIKKO: Anong drama mo at nag-iisa ka diyan? Iniwan ka ng mga alagad mo?
GREEN: Alone time. Okay daw 'yun paminsan-minsan.
NIKKO: Alone time? O alone ka lang talaga?
GREEN: Gusto mong sundan ko 'yung sapak ko sayo last week? Kung wala kang magawang matino, huwag ako ang guluhin mo.

Tatahimik si Nikko. Titingin sa malayo. Napansin kong malungkot din siya. Naawa naman ako.

GREEN: Eh ano ring drama 'yan? Umeemote ka rin diyan sa gilid.
NIKKO: Alam mo kung ano weird? Kahit na lagi tayong nag-aaway at nagbubugbugan, ikaw lang talaga nakakausap ko dito sa school. Matatapos na ang taon, wala pa rin akong kaibigan. Kung tutuusin ikaw ang kaibigan ko dito.
GREEN: Leche! Hindi tayo magkaibigan! Saka malay mo next year okay ka na sa kanila. Ako nga since elementary kasama ko na sila dito pero katabi mo pa rin ako ngayon dito.
NIKKO: Uyyy! May soft side ka pala! Try mo kasi minsan ngumiti at maging mabait.
GREEN: Para ano? Landiin nila ako? Lokohin?
NIKKO: Hindi. Para magkaroon ka ng totoong kaibigan.
GREEN: Whatever. Okay namang mag-isa.
NIKKO: Pero malungkot.

Natamaan ako sa sinabi ni Nikko. For the first time nafeel kong may sense pala 'tong matangkad na lalakeng 'to.

NIKKO: Kaya dapat simulan mo na ngayon. Mag-share ka naman ng hotdog mo. Gutom na ako.
GREEN: Walang pera? At ano 'yan, cheap tactic mo to make friends? Baka sabihin nila na ang star varsity player dati nakikipagkaibigan sa bakla.
NIKKO: Wala naman akong choice. Joke! Anong masama? Wala namang mangyayari sa atin. At wala ka ding choice ngayong araw kung hindi kausapin ako dahil mapapanis laway mong mag-isa buong linggo. Ako lang nakakatiyaga sayo. So paano? Friends na tayo? Isisigaw ko na para official! 

Siguro malungkot lang talaga ako noong araw na 'yun. Idagdag pang nung kinakausap niya ako, parang nakikita niya ang nasa loob ko...ang mga tinatago ko. At mahina ako sa mga taong ganun. Nahulaan ni Nikko ang kiliti ko.

Kaya that was the start of our friendship. Isang pagkakaibigan na nagsimula dahil wala kaming choice. At ngayon ay nagsisimula kami ng bagong chapter bilang magkarelasyon...pero hindi dahil wala na kaming choice. Pero dahil we chose to be in a relationship with each other.

PRESENT
Kaya nang marinig ko ang balita kay Lara ay takbo agad ako sa hospital. Alam kong marami akong tanong sa relasyon namin ngayon. Lalo pa sa naisip ni Nikko na secret lang kami pero i-park muna natin ang issue dahil kailangan niya ako ngayon.

Pagbukas ko ng pinto ay halos manlambot ang mga tuhod ko. Nai-injure siya sa mga basketball games niya dati pero OA ito. Bugbog na bugbog ang katawan niya at bali pa ang paa. Wala na akong nagawa kung hindi tumakbo sa tabi niya at halikan siya.

*****
Mabilis din ang paggalaw ni David sa pinaplanong negosyo. Ayaw niya sigurong makaramdam ng idle moment. Kung hindi feeling ko ay mararamdaman niya ang mga nagbabago sa katawan niya dahil sa mga gamot na iniinom. Idagdag pang kapag hindi ka busy ay naiisip mo ang mga bagay na kulang sayo. Para kay David, ano pa nga ba, siyempre love na 'yun!

Mabilis nagkapirmahan at nabili ang lupang nakita nina David at Jaboom. Buti nalang at madaming connections si bakla kaya nakakuha din siya agad ng mga gagawa. Mapera naman kasi si David!

Mainit ang araw at hinihintay ng dalawa ang architect. May gusto kasing ipabago si David sa kitchen. Late ang ka-meeting at hindi nahalata ni bakla na nakatunganga nalang siyang nakatingin sa hinahalong semento.


JABOOM: (matatawa) Buti pa ang mga buhangin at bato...nadidiligan.
DAVID: Nagsalita ang may ganap!
JABOOM: Of course! Never yata akong nabakante. Laging nadidiligan ng malaking hose ang pechay ko!

Tuloy lang ang tawanan at kuwentuhan ng dalawa ng maputol sila ng isa sa mga trabahador. Ito ay si Roger. Matangkad, moreno at borta!


ROGER: Sir, sa loob ho ba ipapasok 'tong ibang kahoy?
JABOOM: (flirty) Mam. Mam ang itawag mo kay Marnee. At oo, sa loob ipapasok 'yan. Isagad mo ha.
ROGER: Ho?
DAVID: Wala. Huwag mong pinakikinggan 'tong si Jaboom. Ipasok mo na Roger.
JABOOM: Nandito na pala sa coffee shop ang sagot sa problema mo ateng!
DAVID: Gaga ka!

Mangingiti lang si David. Pero hindi niya madi-deny na sinundan niya ng tingin ang pawisang katawan ni Roger na papasok sa loob.

*****
Nasa trabaho naman si Edgar. Pagod na pagod sa pagtanggap ng mga tawag ng mga reklamador na customer ng account nila. At least nawawala sa utak ang mga problema niya. Ang tagal na rin niyang hindi naramdaman na at home siya sa trabaho. Walang pastor, walang bible verses at walang tatay na makulit. Buti na lang din at break na.

Pero kait napipilitan lang magpunya sa church ay may isang discovery si Edgar. Tumatakbo sa isip niya ang bago niyang crush sa church. There is something weird with the guy dahil maliit boses nito pero sobrang type siya ni Edgar. Nagsindi ng yosi si bakla habang tuloy na nawawala sa imagination.

Hanggang sa may makisindi kay Edgar. At namukhaan niya ito. Naging maaliwalas ang mukha ni bakla.


EDGAR: Wait, ikaw 'yung nasa church last week 'di ba? (at ikaw ‘yung crush ko-sa sarili niya lang) I'm Edgar by the way.
MK: MK bro. Natandaan nga kita. Dito ka rin ba? Sa 6th floor ako.
EDGAR: Ako sa 9th. Small world. (69 yeah!- again sa sarili lang niya!)
MK: Oo nga. Punta ka ba sa Sunday? Badtrip nga. Graveyard ako ng sabado.
EDGAR: Ako din. Gusto mo sabay na tayo?

In fairness talaga kay Edgar. Laging maaasahan sa mabilisang pagporma sa mga bet niya. Medyo maliit si MK pero kuhang-kuha niya ang type ni Edgar sa mga nabebetan!

*****
Maaga namang dumating sa airport si Ram. This is it na para kay bakla! Pupuntang Singapore para mag-unwind at para na rin sa article na gagawin. Sa isip niya, makakatulong na rin siguro ang pag-alis para huminga at mag-evaluate ng mga bagay-bagay. Miss na niya kaming mga kaibigan. Lalo pa at bigla niyang naalala ang mga pagtravel namin before. Naisip niyang pagbalik niya ay makiki-connect na siya ulit sa amin ni David. Siguro rin by that time ay lumamig na ang ulo niya kay Edgar.

Kung tutuusin ay kaming tatlo na ang pinakamalapit na tao kay Ram. Close naman siya sa pamilya niya pero mas sa kaibigan umiikot ang mundo ni bakla. Kaya kahit paano ay kabado siya sa pag-alis dahil unang beses niyang aalis na hindi kami kasama o hindi namin siya hinahatid.

Mahaba na ang pila sa pagkuha ng boarding pass at madami na ding tao. Alam niyo naman ang ganap sa airport natin. Irita pa si Ram dahil may sumisiksik sa kanyang nanay sa likod. Nabangga niya tuloy ang lalake sa harap niya.
RAM: Ay sorry!

Tumango lang ang lalake. Napansin pa tuloy ni Ram na pareho sila ng bag ng lalake.  Buti nalang wala siyang issue kapag may kaparehas na gamit. Mukhang bibitbitin lang din kasi ni kuya ang bag niya. Hanggang sa umusad na ang pila at ang lalake sa harap na niya ang nasa counter. Nabangga na naman siya ni nanay sa likod.

RAM: Misis, ano po bang problema? Konti na lang hihintayin niyo, see? Kanina pa kayo tulak ng tulak!

Mapapahiya ang nanay sa likod. Kasabay noon ay sisigaw na ng next si ate. Kaya go na si Ram. Pagkatapos ay kumain muna si bakla habang naghihintay. Kukunin niya ang iPad sa bag. Bubuksan niya ang bag at nagulat siya dahil hindi niya gamit ang laman. Nagkapalit sila ng lalake sa harap ng pila.


*****
Mabilis namang nagising si Nikko pagkatapos kong dumating. Para siyang batang nagpapaawa dahil nawawala na ang bisa ng mga pain killers.

LARA: Iwan ko muna kayong dalawa. Bibili lang ako ng kape.

Pag-alis ni Lara ay lalong nagpaawa at nagpalambing ang loko.

GREEN: Ano bang nangyari sayo?
NIKKO: (mahina at groggy) Bigla kasing nag-overtake 'yung nakabangga sa akin. Inaayos na ng parents ko 'yung damage. Buti nga hindi ako tinakbuhan.
GREEN: Buti talaga. Lecheng 'yun!
NIKKO: Sweet naman ng baby ko... I love you...
GREEN: (tiinatago ang kilig) Yes? Naaksidente ka lang baby na tawag mo sa akin? May I love you pa... O dahil 'yan sa mga gamot?
NIKKO: Ganun talaga! Baby naman e.... Araaay! Masakit!
GREEN: Alin? Saan?
NIKKO: (ngumunguso) Dito o. Masakit baby! Kiss mo...

Kikiligin na lang ako. At pagbibigyan si Nikko. Pagkatapos ko siyang halikan ay saktong dadating ang parents ni Nikko.

MRS.FLORES: Buti gising ka na. Si Ate Lara mo nasaan?
NIKKO: Bumili ng kape.
MR.FLORES: May bisita ka pala.
NIKKO: Si Green po. Classmate ko nung highschool, tanda niyo?
MRS.FLORES: Yes, I remember. Nakuwento ni Ella na nagkita kayo ulit nitong classmate mo.
MR.FLORES: Bakit ba kasi kayo nag-break? E di sana may girlfirend kang nag-aalaga sayo ngayon.
MRS.FLORES: Oo nga 'nak. Paglabas mo din pala sa bahay ka na muna. Walang mag-aalaga sayo sa condo mo.

Parang gusto kong lumubog sa kama. Gusto kong sabihing ako ang mag-aalaga kay Nikko pero parang bawal. Sino ba naman ako? I went from baby, to classmate, hanggang sa isang taong naikuwento ng ex ng boyfriend ko. Hindi ko naisip na aabot sa ganito. Buti pa dati, ang dali naming isigaw na magkaibigan na kami. Ngayon hanggang bulong lang ang pagiging kami.



*****
Tuluy-tuloy ang buhay ng apat ng hindi nagkikita...hanggang kailan ito mga inday?
Akala namin friendship story ito?
Kayanin pa kaya ni Green ang mga ganap? Saan papunta ang dramang ito?
Si David naman ay go lang sa negosyo? Go din ba kay Constru Roger?
Ano naman kaya ang mangyayari kay Ram? Maibalik kaya ang bag ni bakla? Simula palang ng out of the country problema agad?
At siyempre, once a malandi always a malandi. Saan papunta ang panlalandi ni Edgar kay MK? Ano nga kaya ang lihim niya?

Abangan sa susunod na ganap ng RAINBOW CONNECTION 3!!!

Sunday, March 23, 2014

(S3) Episode 6: I'm Not Okay (I Promise)

Ang Nakaraan sa Rainbow Connection...
***

"For I know the plans I have for you, declares the Lord, plans for welfare and not for evil, to give you a future and a hope."

Jeremiah 29:11

Iyan ang sinasabi ng verse sa Bible ng pastor while I'm actually bored listening to his endless blabbing. Don't get me wrong. I believe I'm not disrespecting God by disrespecting this man talking to me. My point is how can I trust these people if they keep on saying na isa akong malaking kasalanan. Well dahil sa religion na rin naman yan kung bakit ako nagkaganito. All my life, naniwala ako na I'm a sinner dahil lang sa isa akong...

See I can't even say the word bakla.

They made me despise myself. And because of that, siguro iyon na rin ang dahilan kung bakit nag spiral down ang buhay ko ngayon.

But I need that bible verse now... ano nga ulit sabi ni brother? Whatever his name? Yes. From Jeremiah 29:11...

A future. And a hope. Two things I thought nawala na sa akin these past few days. Who would have thought na ang katabi ko ngayon ay si Cassandra? Napabilib tuloy ako ng congregation na ito... miracles do happen pala talaga. But still, I'm still fumbling with that future... now nakabalik na ako sa bahay, umaasa na lang ako kay Dad. Then, hope ba kamo? I actually miss my friends... pero mukhang sa tindahan sa kanto muna ako makakabili ng hope na yan. Malayo pa bago kami magkaayos... lalo na kami ni Ram...

***

Hopeful si Ram habang nakatingin sa cursor sa screen ng kaniyang laptop.
He clicks enter.

Booked na siya sa Singapore.
Ang kaniyang unang bansang pupuntahan para sa kaniyang writing assignment at siyempre para na rin sa kaniyang much needed alone time.

***

Green is watching an 80s Filipino film in his place sa Cinema One. Well masaya naman si bakla sa kaniyang alone time gaya nito. Besides magkikita naman sila ni Nikko the next day.

"Bakit mo ako tinatago nang ganito?" sabi ng babaeng kulot sa tv.
"Tanga kabit ka kasi." sabi na lang ni Green, sinapawan na ang sagot ng lalaki.
"Akala ko ba hiwalay na kayo ng asawa mo? Akala ko ba ako ang pinili mo?" sabi pa ng babaeng kulot.
"Oh ano pa bang nginangalngal mo? Ikaw na nga ang pinili ko di ba?" gigil ang lalaki. Sa inis, nagwalk out ito pero hahabol si babae.
"Desperada." Comment pa ni Green habang nanonood.
"Yun nga e. Ako nga ang pinili mo pero hindi mo naman ako maipagmalaki sa mundo! Hindi na ako kabit ngayon Edwardo... bakit hindi mo ako mapanagutan? Dahil kung totoong mahal mo ako, hindi mo ako dapat ikahiya! Dapat pinagsisigawan mo sa mundo ang pag-ibig mo ---

Pinatay ni Green ang TV. Nakita niya ang sarili sa pinapanood.

Hindi yun ang gusto niyang maging future.

***

After ng service sinamahan ako ni Cassandra sa isang group session. Kailangan na kailangan ko raw yun. I was fucking bored but I don't have no choice right now. I was actually laughing inside, long ago ganitong ganito rin kami ni Cassandra bago ko siya dapat pakasalan. Binlack mail niya ako na ia-out niya ako kapag hindi ko siya nilakad sa altar. I outed myself. Nasira ang buhay ko. Bagsak ako sa tabi niya, and just like the old times... siya na naman may hawak ng buhay ko. Fuck.

Then, I learned what this after service is all about... A straightening session. As in for the LGBT community. Fuck ano ba'tong pinasok ko.

***

Punyeta. Ano ba'tong pinasok ko?
Sabi ni Green. Tama ang babaeng desperada sa tv. Hindi yun ang future na nakikita niya with Nikko. They have to talk... makikita ang cigarette butts.... as in kabundok na cigarette butts sa ashtray niya sa kaniyang verranda...

***

"Nakikita ko na ang future mo teeeh! Kabog na kabog ang ibang coffe shop day pag dito mo tinayo day..." sarcastic si Jaboom. 

Pagtingin ni Marnee, ang tinuturo ni Jaboom mula sa kaniyang sasakyan ay ang dating Ozone Disco. 
"Kanina ka pa kasi wala sa wisho te. Ano bang drama yan?" 

Marnee is forced to spill the beans about Monti. 

"Mahal ko pa rin."

"E di balikan mo."

"Babae na ako ngayon."

"Ano naman?"

"Ligawan niya ako."

"Pota ka." 

Matatawa na lang sila ni Jaboom. 

"Pero ate nung nagkita kami Im actually hoping na sana i-win over niya ako. But no wala pa rin siyang ginawa." 

"Kung talagang mahal ka niya, kahit bihis dalaga ka pa, babalikan ka niya." 

May punto naman ang cross dresser niyang kaibigan. 

***

Ram is marking the dates sa kaniyang planner kung kailan siya aalis. Whe he flipped it, malalaglag ang picture nila ni Mark. Somehow malulungkot siya. Pero iipit na lang niya ito ulit at mamarkahan ang mga araw na aalis siya.

***

"This is it." Marnee blurted out habang nakatingin sa isang for sale na lumang bahay sa isa sa mga scout areas. Deep inside, she still longs for that guy pero for now, she longs for her three friends at alam niyang matagal na rin naman nilang pangarap ito... magkaroon ng coffee shop pero sa ngayon iba muna ang kasosyo niya.

***
Gusto ko sanang saktan si Cassandra sa pagdadala dito, noong sasakalin ko na sana siya, a cute bedimpled guy caught my eye. Nakatingin ako sa kaniya pero iiwas siya ng tingin. Suplado si gago. Nginitian ko, hindi ako sinuklian ng ngiti. Lumapit ako.

"Hey I'm Edgar, kung ikaw ang makakasama ko dito, ayoko na talagang maging straight." 

Pinagtawanan niya ako. Fuck. Iba ang boses niya. 

Yung boses na pwedeng sumali sa That's My Tomboy....

***

Hindi sumasagot si Nikko. Kanina pa siya gustong makausap ni Green. Hindi niya alam kung nasaan ito. They need to settle this. Hindi siya makatiis, lumabas siya. Pupuntahan na niya sa trabaho baka kasi nag-OT pero his phone rang...

Si Nikko. 

Finally. 

"Hello kanina pa --"
"Si Lara to Green. Nasa ospital si Nikko ngayon. Car accident." 

Napanganga si Green. 

Anong kaguluhan ito ate????
Crushed hopes and dreams ba ang drama?
Si Ram matitiis nga bang hindi makita ang mga kaibigan bago umalis? Or kahit na si Mark? 
Bongga si Marnee, may nakita ng place! Ito na nga ba ang susi para muling mabuo ang apat?
Itong si Edgar bumabalik pa rin talaga sa roots e. Sino itong tomboyin kung tumawa?
And wait ang happy happy pechay mode ni Green magtatapos na nga ba?

Abangan next week sa painit nang painit na Season 3!


Friday, March 14, 2014

(S3) Episode 5: No More Tears

Ang Nakaraan sa Rainbow Connection...
*****
Maraming bagay sa buhay ang hindi natin hawak. Mga pangyayari na hindi mo inaasahan na wala naman sa plano mo. Magwarla ka man day, wala kang magagawa. Kaya wala kang magagawa kung ayaw sayo ng director ng opisina mo. At wala ka ding magagawa kung tinraydor ka ng boss mo para sa pansarili niyang interes.

Opo mga kaibigan, napaglaruan ako at pinaikut-ikot! As you all know ay hindi naging maganda ang promotion interview ko. Alam niyo rin na nanghinayang ang boss ko at kakausapin niya raw si director. Hanggang sa bumalik siya sa akin para sabihing he tried his best pero final na raw ang decision.

Again, wala akong magagawa kung hindi pa ready si director sa ganda ko. Pero for him to go out of his way para suhulan ang boss ko ng promotion para itigil na ang pag-push sa promotion ko ay OA na. Ito namang boss ko, tinanggap  ang pain. Fine! Tanggapin din nilang dalawa ang resignation ko! I quit!

At habang pauwi ako ay may narealize ako. Tapos na dapat ako sa pakikibagay. Wala akong magagawa sa opinion nila…pero wala din silang magagawa sa gusto ko. Kaya simula ngayon, lahat, gagawin kong parang palabas. Ayaw niyo sa akin, pwes,wala kayong choice kung hindi panuorin ako!

“Ladies and gentlemen, let’s welcome my friend na depressed ngayon at lasing na kaya pakakantahin natin dito sa stage, ang katulad ko ding maganda, Marnee!!!” pakilala ni Jaboom.

It's raining
It's pouring
My love life is boring me to tears
After all these years

No sunshine
No moonlight
No stardust
No sign of romance
We don't stand a chance

Pagkatapos ng kanta ko ay iniuwi na ako ni Jaboom. Kasalanan naman niya kung bakit ako nalasing kaya nagpaalam muna siya sa bar na aalis sandali. Papasok kami sa building ay tinatanong ako ni Jabs kung ano daw ang plano ko. Sabi ko hindi ko pa alam. Baka time ito para mapag-isipan ko ulit kung ano an gusto kong gawin sa buhay ko.

Mukhang tinanggap naman ni bakla ang sagot ko. Pagpasok namin sa elevator ay nakasabay namin si Green at Nikko. Tahimik lang ang dalawa.

“Lasing ka yata.” Pansin ni Green.
“Mahabang kuwento, next time sabihin ko sayo. Ito nga pala si Jaboom.” Sagot ko kay Green.
“Hi teh! Nice meeting you. Ang sushal mo naman. At dyowa mo ba ‘yang kasama mo? Pogi! At mukhang walang bahid.” Nakakahiya si Jaboom. Nagtinginan lang si Green at Nikko parang naghihintay kung sino ang sasagot. Ngumiti ng pilit si Nikko kaya hindi na lang sumagot si Green.
“Ayyy bakit? Confidential?  Naku! Mag-iipon ako para sa katulad niya! Saan ba nakikita ang mga ganyan ate?!!” Ayaw paigil ni Jaboom. Mas lasing pa yata sa akin. Kita ko na ang mukha ni Green. Buti na lang hindi pumatol si bakla.

Iniwan na ako ni Jaboom sa unit ko at may trabaho pa. Naiwan akong pinag-iisipan ang mga plano ko sa buhay.
*****
I always dreamed I'd find the perfect lover
But he turned out to be… Like every other man I loved, I loved
Raining… Pouring
There's nothing left for us here
And we won't waste another tear
*****
Nag-iisip din pala sina Green at Nikko. Galing kasi ang dalawa sa unang dinner nila as couples na sa labas na at hindi sa condo lang nila naganap. This time may kasama ng ibang tao. Kaya sa simula palang ay hindi alam ni Green kung ano ang mararamdaman niya. Bigla nalang kasing naging awkward ang paligid. Dati naman ay nagkakape, nagdidinner at nanunuod pa sila ng sine ni Nikko ng sila lang. Pero ngayong may label na, iba na ang pakiramdam. Kahit si Nikko ay kinakapa kung ano ang gagawin dahil bago sa kanya lahat ng ito.

Hanggang sa makita si Nikko ng college batchmate niya. Nagsimulang magkamustahan ang dalawa na parang wala si Green. Kaya nag-excuse na lang siya para magCR. Pagbalik ni ate ay narinig niyang binibiro ng batchmate si Nikko. Siguro daw ka-on niya si Green. Kinurot ang puso ni Green ng sabihin ni Nikko na magkaibigan lang sila. Kaya pala tahimik at seryoso ang dalawa sa elevator. Nakasama pa tuloy ang kadaldalan ni Jaboom. At kaya din nag-uusap ng masinsinan ang dalawa. Hurt si Green pero hindi niya masisi si Nikko. Alam niyang mahirap ang sitwasyon nito.

Alam din naman ni Nikko ang nagawa niya. Hindi niya nga din daw maintindihan kung bakit siya nagkakaganun. Siguro daw ay takot siya sa sasabihin ng iba pero ina-assure naman niya si Green na masaya siya kung ano ang meron sila ngayon. Tatahimik ang dalawa.

“Ano kaya kung secret na lang tayo? Tayo pa rin naman kaso hindi natin ipapaalam sa iba para wala tayong pressure. Payag ka ba?” Hindi alam ni Green ang isasagot kay Nikko. May pag-asa baa ng relasyong sikreto lang? At may pag-asa pa ba sila ni Nikko kung sakaling humindi siya sa gusto nito?

“Kung sa tingin mo mas madadalian ka sa ganun….sige…”pikit-matang pumayag si Green.

*****
Kasalukuyan namang magkasama si Edgar at Cassandra…sa sala ng Pamilya Chiu. Himala kasing nagkrus ang landas ng dalawa nung walang matakbuhan si ate. At bilang the reformed Christian that she say she is, ay dinamayan ni Cassandra si Edgar. Wala namang paki si Edgar nung time na ‘yun dahil ayaw niya lang mag-isa.

Ngayong hindi okay kaming mga bakla ay na-suggest ni Cassandra na bumalik na lang si Edgar sa pamiya niya. Ayaw ni Edgar for obvious reasons pero may point din naman si Cassandra. Miss na niya ang mga kapatid at gusto na rin naman niyang makipag-ayos sa parents niya. Bago siya pumayag ay tinext niya si Ram. Pero dahil hindi ito sumagot ay tuloy na ang dalawa sa bahay nila Edgar.

Gulat ang parents ni Edgar kung bakit okay na daw si Cassandra. Sabi naman ni girl ay dahil daw ‘yan sa pagiging active niya sa church. At dahil okay na daw siya kung ano pa si Edgar ngayon, sana daw ay maging okay na din sila sa anak nila. Mapapa-isip sina Mr.and Mra. Chiu at sa huli ay mapapapayag ni Cassandra.
“Cassandra, hija, sana isama mo naman si Ed kapag may church ka. Baka maganda din ang magawa sa kanya.’Di ba, Edgar?” Save the best for last si Daddy Chiu sa pasabog.

“Yes, Pa.” SIyempre ayaw ni Edgar ang planong ito. Singaw na singaw na gagamitin ito ng parents niya para baguhin siya aka gawin siyang straight. Pero walang choice si bakla ngayon. Baka mapaalis pa siya ulit ngayon pa namang ayaw niya mag-isa.
*****
If you've had enough, don't put up with his stuff…
Don't you do it
Now, if you've had your fill
Get the check…Pay the bill
You can do it
Tell him to just get out
Nothing left to talk about
Pack his raincoat, show him out
Just look him in the eye and simply shout
*****
Nagtatapos naman ng trabaho sa office si Ram. Hindi naman siya obligado na magtrabaho sa office mismo pero dahil sa mga ganap, pinili na lang niya sa cubicle niya. Mas magkakaroon siya ng peace of mind at katahimikan. Pero nagsisimula ng mabadtrip si ate dahil sa text ni Edgar. Ngayon kahit sa opisina ay hindi na siya safe.

For the Nth time ay nilinaw niya ang lagay ni Edgar sa kanya. Hindi niya alam kung kailan niya mapapatawad ang kaibigan kaya sana daw ay huwag na siyang guluhin.

And speaking of gulo, galing sa pantry si Ram ng makita si Mark sa cubicle niya. Nagulat siya sa pagsulpot nito. After a week daw ay naisip ni Mark na nabigla lang siya sa desisyon niyang cool-off. Kaya pinuntahan niya agad si Ram para makipag-ayos.

Kaya lang, may narealize din si Ram sa sandaling hiwalay sila ng boyfriend. Alam niya sa sarili na mahal niya si Mark at special ito sa kanya dahil first bf niya ito. Ilang beses na rin niyang sinubukang lumayo ditto dahil parang hindi niya kaya ang pressure ng pagkakaroon ng bf lalopa at may anak na.  Pero dahil mahal niya ito ay kinalimutan itong lahat ni Ram. Akala niya okay ng mahal mo lang ang isang tao.

“Ganito na lang? Tapos na tayo ng ganito lang?” ayaw bumitiw ni Mark.

“I’m sorry, Mark.” Matagal na nag-usap  ang dalawa pero hindi na nabali ang desisyon ni Ram. Malungkot na aalis si Mark. Malungkot din namang maiiwan si Ram. Mapapansin niya ang ginagawa niyang top10 article na top movies for travelling barkadas. Namiss niya kami. Pero dahil Malabo pa niya kaming makasama, baka travelling muna ang gawin niya.

*****
Enough is enough is enough
I can't go on… I can't go on no more no
Enough is enough is enough
I want him out… I want him out that door now
I always dreamed I'd find the perfect lover
But he turned out to be like every other man I loved
I've had no choice from the start
I've gotta listen to my heart
Tearing us apart
*****
Habang nagpapawala naman ng tama ay naisip ko ulit lumabas at maglakad-lakad. I’m lucky na sa may Morato lang ako nakatira. Laging maraming tao sa daan at malilibang ka just by observing them. Kaya para makapag-isip ay nagkape ako by myself.

Inisip mabuti ang dapat kong gawin sa buhay ko. Limang taon din ako sa work ko. Halos doon umikot ang buhay ko so mahirap na transition ito. Inisip ko din kung maghahanap na ba ako uit ng trabaho. Saan naman? Wala namang problema sa credentials ko. Pero sa tingin sa akin ng tao baka meron.

Saka pumasok sa utak ko na what if magtayo na lang ako ng business. I mean at least ako ang magiging boss ng sarili ko. May naipon na din naman ako at kung kulang pa ay I can always call my mom. Puwede akong magtayo ng coffee shop total ito naman bet naman lagging tambayan. Matutuwa pa ang mga bakla sa naisip ko.

With that, natuwa ulit ako sa mga bagay-bagay. Hindi na ulit ako lost. I’ts like hitting two birds with one stone. Nakaisip ako ng sagot sa work problem ko. At puwede din siyang maging sagot sa friendship problem namin. Hanggang sa nakalimutan kong may isa pa akong nakalimutang problema…ang love.

“David???” nanlalaki ang mga mata niya ng makita akong longherada at nakamake-up.
“Yes, Monti. Ako ito. But you can call me Marnee.” Siguro by this time malinaw na sa kanya kung bakit ko siya hiniwalayan.

Kung anuman ang maging reaksyon niya ay sa kanya na iyon dahil wala na akong magagawa doon. Ang kaya ko lang baguhin at pakialaman ay ang aking sarili. And I say…

Enough is enough is enough
I can't go on… I can't go on no more no
Enough is enough is enough
I want him out… I want him out that door now
Goodbye mister… Goodbye
Goodbye mister… Goodbye sugar
No more tears
No more tears
No more tears
*****
Sushal ni David! Businesswoman ang peg!
Magtagumpay kaya ang plano ni bakla? Anong nangyari sa usapan nila ni Monty?
AT si Edgar, tama baa ng desisyon niyang bumalik sa pamilya?
O simula na naman ito ng bago niyang kalbaryo?
Pa-independent naman si Ram ngayon, an kaya ang mga tumatakbo sa utak ng bakla?
Tama ba ang desisyon ni Green na pumayag sa gusto ni Nikko?
 Ano ang mangyayari sa relasyon ng dalawa?

Abangan ang mga susunod na ganap sa…
RAINBOW CONNECTION Season 3





Friday, March 7, 2014

(S3) Episode 4: Kung Wala Ka

Ang Nakaraan Sa Rainbow Connection...
***
“Hindi ko naman talaga sinasadya! Matagal na since nakaramdam ako ng ganito. I didn’t know what to do. You’re with Mark and we’re friends at naging kumplikado na lang lahat para sa akin. Hindi mo alam kung gaano ko gustong isigaw sa lahat about my feelings. Kung gaano ako nagseselos kapag kasama mo boyfriend mo!  I know mali ang ginawa ko and I’m sorry. Pero mali man, nagawa ko ‘yun kasi mahal kita!!!

Iyak ng iyak si Edgar habang nag-uusap kami sa sala ko. 
Nakaluhod at halos halikan na ang mga paa ko.

Hindi ko na kasi nahintay magsimula ang surprise party ni Green at umalis na ako agad. Parang bomba kasing  sumabog sa mukha ko ang nalaman ko. Si Edgar…walang sakit?! Halos isang buwan niya akong pinaniwala sa kasinungalingan niya. Gabi-gabi iniyakan ko ang pagdadasal na umayos sana ang lagay niya. Na sana hindi siya mahirapan sa sakit niya. Tapos hindi totoo??!!! At dahil daw saan? Dahil mahal niya ako?

“Mahal mo ako?! Hindi pagmamahal ‘yan Edgar! Dahil selfish ka, hindi ka marunong magmahal!”

Pinipigilan ko maiyak noong oras na ‘yun. Sobrang dami ko ng luha ang sinayang ni Edgar para sa gawa-gawa niyang sakit. Feeling ko may magsasabi na plastic ako. May feelings din naman ako para kay Edgar kahit paano. At least ngayong umamin na siya eh di everybody happy… sa isang romcom film siguro.

Sobra akong nadala sa sitwasyon namin na nakalimutan ko si Mark. Natanga ako sa naramdaman ko para kay Edgar na parang ready akong itapon ang meron kami ni Mark para sa kanya. Kung sabagay since college hinintay ko nang sabihin niya sa akin na mahal niya ako. At ngayong nasabi na niya, nalaman kong hindi naman pala worth it ang lahat.

Ako pa naman ang pinakachill at tahimik sa aming apat. Hindi ko akalain na kaya kong magalit ng ganun. Kaya masakit man, pagkatapos ng pag-uusap namin ni Edgar ay pinaalis ko na siya sa unit ko. I don’t know kung saan siya lilipat. Baka kay Green dahil parehas naman silang sinungaling. Basta wala akong pakialam.

Ngayon, after one week noong gabing ‘yun…wala pa ring pagbabago ang lahat. Pero deadma muna sa kanila. Aayusin ko muna ang buhay ko.

***
Katulad ng pag-aayos na ginagawa ni David sa buhay niya. Pagkatapos ng fail niyang promotion interview sa office ay nadepress si ate. Isabay mo pang nagulat din siya sa revelation last week at ang roller coaster niyang emotions dahil sa mga iniinom na gamot. Pero pagkatapos umiyak, being the optimist that she is, naisip niyang huwag magpatalo sa sitwasyon. Kailangan niya lang ng ibang daan.

At ang daan na iyon ay sa direct superior niya. Bilang ito rin ang nag-nominate sa kanya for promotion ay nalungkot ito sa nangyari. Nag-promise ang boss na kakausapin ang matandang director at gagawin lahat ng makakaya niya para matuloy ang deserve na deserve na promotion ni David.

Kaya to celebrate ay nasa isang comedy bar sa Marcos Highway si David. Tutal naman ay hindi kami maayos ay time na niya ito para balikan at makita ulit ang pinakauna niyang kaibigan. Si Jobert aka Jaboom. Simula bata sila ay magkapitbahay na ang dalawa sa Cainta. Sa comedy bar na ito nagtatrabaho si Jaboom.

“Buti naman nagbalik-loob ka na misis! Babae ka na ulit at binisita mo pa akong kumare mo! Akala ko super sushal ka na ngayon at naforget mo na ang bestfriend mong jologs!” Tawa ng malakas ang isinunod ni Jaboom.

“Kakalimutan ko ba naman ang nag-iisang tao na nakakaalam na may crush ako dati kay Spencer Reyes?! Kadiri talaga ‘yun. And honestly, gusto ko lang maramdaman na “I belong”. Hindi ko naman mapipigilan ang mga tao kapag na-alienate sila sa akin bigla dahil bigla na lang akong nagbago. Kuda ni David.

“Hindi ka naman nagbago. Ikaw naman talaga ‘yan simula palang. At ano ngayon kung iba ka na magdamit o mas mahinhin na kumilos…kung magcostume ka man ng teddy bear bukas, wala pa rin sila pakialam. Buti din kinumusta mo na ako. Dahil kahit anong mangyari, ako lang ang makakaintindi sa pinagdadaanan mo. Kahit ang pinakabakla mong kaibigang sushal ay hindi magegetsing kung bakit tayo ganito.”

Nag-toast ang bestfriends. Kahit paano ay lumuwag ng tuluyan ang dibdib ni David.

***
Kasing luwag at payapa ng dibdib ni Green. Naglalakad si Green sa gitna ng traffic na kalsada ng Tomas Morato. Madami ng teenagers ang pumipila sa bars. Mga kumakaing pamilya at mga barkadang nagkakape. Pero lahat maaliwalas sa kanya. Umabot pang may nanlimos kay bakla at nagbigay siya. Hindi ko alam na aabot sa ganitong level ng kabaitan si Green kapag in love.

Habang naglalakad ay naalala niya ang WAIT FOR IT…boyfriend niyang si Nikko. Tamis!!!

Agad niya itong tinawagan at tinanong kung nasa condo na ito at kung nagdinner na. Kumain na lang daw sila sa labas total ay nasa labas na si Green. Kaso ay hihindi si Nikko. Pagod na daw ito para lumabas. Nagpadeliver na daw ito ng dinner sa unit niya at doon na lang sila kumain ni Green.

Pumayag naman si Green kahit na napapansin niyang sa isang linggo na naging sila ni Nikko ay hindi pa sila lumalabas. Ayaw niyang maging mapaghanap at demanding. High-maintenance na tao si bakla kaya ayaw niya sana maging ganun sa relasyon nila. Iniisip niyang nagsisimula palang naman sila.

At tama naman ang desisyon ni Green na sumunod lang sa agos. Pagdating sa condo ni Nikko ay nakaayos na ang pagkain sa sala. Nakaset-up na rin ang papanuorin nilang film. “Kung Ako Na Lang Sana” ni Mega na kung san nagkatuluyan sila ng bestfriend niyang si Aga Muhlach. Corny para kay Nikko pero alam niyang gusto ‘yun ni Green.

***
Hindi naman gusto ni Edgar ang nangyayari sa buhay niya. Simula nag-out siya ay hindi na natapos ang problema niya. Parang wala siyang control at kung saan lang mapadpad ang drama. Natatandaan ko pa nung minsang nagkukuwentuhan kami. Nasabi niyang mas simple pa ang mga bagay dati. Hindi ko alam na nabibigatan na siya noon sa kung anuman ang nararamdaman niya para sa akin.

Pagkaalis niya ng condo ko ay hindi ko na alam kung saan siya pumunta. Walang nakakaalam kung saan siya napadpad. Kahit kina David at Green daw ay hindi siya kumontak.

***
As for my plan na ayusin ang buhay ko, agad kong tinawagan si Mark. Bukod sa nawalan ako ng oras para sa kanya ay gusto ko ding malinaw sa amin pareho ang mga nangyari sa akin.
Kinakabahan ako simula palang ng dumating siya sa unit ko. Hindi ko alam kung paano sisimulan. Pero dahil wala na din akong magagawa ay pinilit ko na ang sarili ko magsalita.

First ay pinasalamatan ko siya for being so understanding. Inintindi niya ako at ang kalagayan ko at ng kaibigan ko. Kahit anong mangyari, nandiyan siya palagi sa likod ko. Pangalawa, ikinuwento ko na walang sakit si Edgar. Hindi ko na sinabi na niloko niya lang ako kasi baka maghuramentado na si Mark. Natuwa naman siya. Buti daw ‘yun at mawawalan na ako ng iisipin.

“Pangatlo…kailangan ko lang talaga mailabas ‘to kasi hindi ako mapapakaling tinatago ‘to sayo. These past few weeks feeling ko nagchi-cheat ako kahit wala naman.” Naging seryoso ang mukha ni Mark nang sabihan ko ito.

Sinabi ko sa kanyang naco-confuse ang feelings ko para kay Edgar.

Matagal tumahimik si Mark. Nag-iisip. Tinanong niya ako bigla kung mahal ko siya. Siyempre oo ang sagot ko! Hindi naman nawala ang pagmamahal ko sa kanya.

“Mahal mo ba si Edgar?” sunod na tanong ni Mark. At hindi na ako nakasagot dahil sa totoo lang, hindi ko talaga alam ang isasagot. Tumahimik ulit kami ni Mark.

“I’m thankful na naging honest ka sa akin pero hindi puwedeng ganito na lang tayo. Naramdaman ko rin naman na nafo-fall ka para sa kanya. Akala ko lang hindi mangyayari. Anyway, noong naguguluhan ako dati, lumayo ako sayo hanggang sa marealize ko na gusto talaga kita. Ngayon, lalayo ulit ako sayo para makapag-isip ka. Na sa huli ako talaga ang gusto mo at babalikan mo ako.” Hinalikan ako ni Mark at umalis na.

Hindi na niya ako hinintay makasagot siguro dahil baka magbago pa ang isip niya. Naiyak na lang ako.

Hindi ako madramang tao pero ang lungkot ng buhay ko ngayon. Wala na ngang Edgar, wala pang Mark.

*** 
Seryosong awayan pala talaga ang naganap! Lahat affected!
Ano ang mangyayari kay Ram na dati ay dala-dalawa ngayon kahit isa wala na? Kawawa naman si ateng!
Magtagumpay kaya ang boss ni David na maipagtanggol siya? Ano ang magiging parte ni Jaboom sa buhay niya?
Buti pa si Green masaya? Echoserang bakla! Magtuluy-tuloy kaya ang happiness ng loka?
At huli, saan napunta si Edgar??? Nasaan ang bakla???



Abangan ang mga kasagutan next week sa…
RAINBOW CONNECTION Season3