Friday, February 28, 2014

(S3) Episode 3: Love Is

Ang Nakaraan sa Rainbow Connection...
*****
2003
Third year ako nito. Halos hindi na nakikinig ang buong class dahil nasa university wide concert na ang utak namin. Hindi rin naman ume-effort ang teacher dahil ganun din ang pakiramdam niya. Hanggang sa lapitan ni Bert (remember him?) si Ms. Torres.

                BERT: Ma’am,  feeling ko po nasasayang ang oras natin na  hindi ka nagtuturo.
                MON (classmate): Di ka lang kasi pupunta ng concert. Huwag ka ng epal!
                JEM (classmate): Baka matakot lang kay Bert ‘yung mga pupunta! Wala din namang date ‘yan!
                JR (classmate): Bert…SINGLE FOREVER!!!

Tawanan ang buong class. Nakataas na ang kilay ni Bert. Pinipilit maging palaban pero hindi talaga siya ganun. Naiyak si bakla. Eh epal naman talaga siya at basag trip (charot!) pero minsan mahirap at masakit talaga ma-in your face moment. Na parang biglang sumampal sayo ‘yung iniiwasan mong i-acknowledge sa sarili mo.

MS.TORRES: Class, stop that! Below the belt na ‘yan. (kay Bert) Huwag kang maniniwala sa kanila. Iusog natin ang mga chairs. May activity ako para sa inyo. I’ll prove na walang magiging single forever.

Pinagsulat kami ni Ms.Torres ng positive at negative traits naming sa isang papel. Ikinalat niya ito at inilatag sa floor. The direction was, hanapin sa mga traits ang pinakagusto mo sa positive at yung feeling mo kaya mo namang pagtiisan sa negative. Isa-isa kaming namili at isa-isa din naming inamin kung kami ang napili. Matatapos na kami pero hindi pa rin namin gets ang ganap.

MS.TORRES: Di ba ganun din kayo kapag namimili ng liligawan o magugustuhan? Inaalam niyo kung nasa kanya yung mga gusto niyong ugali. Tinitignan niyo din kung kaya niyong pagtiisan yung panget niyang ugali.
MON: Ako magandang babae okay na ‘yun!
MS. TORRES: Wala namang masama doon Mon. Pero paano kung pumanget siya, hindi mo na ba siya magugustuhan? Class, ang panlabas nating anyo ay cover lang. Hindi mo naman gusto ang itlog dahil sa shell niya. Gusto mo siya dahil sa laman. Ganun din dapat sa love. You fall in love with the person sa kung ano siya sa loob. Kung mabait siya, understanding, loyal etc. Hindi mo siya pipiliin dahil lang sa babae siya at lalake ka. Paano kung ang gusto mong trait nasa lalake di ba? The point is wala iyon sa kung sino ang tao pero nasa gaano ka niya kayang mahalin.

Habang kumukuda ng speech si teacher ay naalala kong “bully pero understanding at loving” ang pinili ni Nikko kanina sa game. Ako ‘yun. After the school year ay natanggal si Ms. Torres sa school. Nagpo-promote daw siya ng kabaklaan. Habang ako, I was so thankful to her dahil nabuo ang plano ko simula ng araw na iyon. Kaya akong mahalin ni Nikko at gagawin ko lahat para mangyari iyon!

PRESENT
Nakatingin ako sa salamin ng maalala ko si Ms.Torres. kumuha ako ng lipstick sa drawer ko at nagsulat sa salamin. “Worthy To Be Loved” Kailangan kong i-remind sa sarili ko ‘yan. Pagkatapos, tinext ko ang mga bakla na tulungan ako sa pinaplano kong surprise. I texted Nikko na rin na huwag mawala dahil meron akong surprise. With that, binasa kong muli ang sinulat ko sa salamin at rampa na. Hopefully, magtagumpay ako sa araw na ito!

*****
Natanggap  ni Ram ang text ko kasabay ng text ni Mark. Kakarating lang daw nito sa Zambales kasama ang anak. Humiling ng beach weekend si Sophia at pinagbigyan naman. Hindi naman nakasama si Ram dahil may monthly editor’s consultation siya sa online job niya. Hirap kasi siyang maibenta ang kuwento niya about haunted places in Metro Manila. Nakacenter ang article sa Dama de Noche subdivision na malapit lang sa condo namin. Madami daw mukto kaya mura lang ang mga balur.

okay na rin na di siya kasama dahil uneasy si Ram with Mark lately. Alam niyang mahal niya si Mark pero sobrang puputok na ang loob niya sa pagtatagong mahal na niya ulit si Edgar. Parang nangangaliwa siya na hindi.

Paglabas niya ng room ay makikita niyang natutulog pa si Edgar. Kung gaano kakalma ang mukha nito sa pagtulog ay kabaliktaran ng nararamdaman ni Ram these days. Takot siyang mawala si Edgar dahil sa sakit nito, tapos mahal na niya ulit ang kaibigan at may boyfriend pa siya na mahal rin niya pero pinaglilihiman niya ngayon.

Naisip niyang aminin kay Edgar ang lahat. Naging totoo ito sa pag-amin na may sakit ito. So dapat, naisip niya, na siya din. Magkaibigan naman sila ni Edgar kaya kung wala naman itong feelings sa kanya (na akala niya ay wala) at least lumuwag ang dibdib niya at mapag-uusapan nila ng masinsinan. Gulung-gulo na si Ram. Gusto na lang niya na bago matapos ang araw ay matapos na ang mga problema niya.

Dati nagdadasal lang si Ram na makakilala siya ng mamahalin niya. Ngayon tumitibok na ang puso niya sa dalawa. Hindi niya pala kaya.

*****
Naghihintay naman sa labas ng Office of the Director si David ng matanggap ang text ko. I think deep inside happy para sa akin si ate dahil excited siyang nagreply na go na go siya sa plano ko.  Sumasabay din kasi ang tuwa at excitement niya sa interview niya for promotion.

Hanggang sa papasukin na siya ng sa loob ng office. Halata niyang nagulat ang director sa suot niya. Di niya lang alam kung nagulat dahil bagay sa kanya ang outfit niya o dahil sa nakadamit siyang pambabae.

             DIRECTOR: Upo ka Mr. David Alarcon.
             DAVID: Actually po, you can call me Marnee na rin. Kasi David is my real name pero…

Narealize ni David na tinitignan siya ng director at seryoso ang mukha nito. Narealize niyang OA na naman siya sa explanation ng pangalan niya para magets ng tao ang itsura niya.

DAVID: I’m sorry sir. I’m just nervous.
DIRECTOR: Anyway, how long have you been with the company, MISTER Alaracon?
DAVID: Three years na po. And I would like to say na sobrang natuto at nag-enjoy ako sa…
DIRECTOR: (pinutol si David) how long…’yun lang ang tanong ko.
DAVID: (parang napahiya pero babawi) Sir, ito po ang portfolio ko. Nandiyan po ang mga accounts natin dito sa agency na ako ang head. As you can see ilan din po sa mga accounts na ‘yan ang mga nabigyan ng awards.

Binulatlat ng director ang portfolio pero halatang di naman talaga ito tumitingin.

DIRECTOR: Ito na ang maipagmamalaki mo MISTER Alarcon?! Masyadong loud. Nagsusumigaw at parang desperate na may mapatunayan…ang mga gawa mo. I am not convinced na tama sayo ang promotion. Parang hindi pa ako convinced na gusto kitang makita araw-araw dito sa floor ko.

Sa huli, nagets ni David ang point ng matanda. Hindi siya bet nito dahil paurong ito mag-isip. Okay lang ito sa bakla pero hindi para maging boss sa kumpanya niya.

Nasad si David dahil alam naming kung gaano niya kamahal ang trabaho niya na ngayon ay parang tinataboy siya. Hindi niya malaman ang gagawin niya.

*****
Hapon na ng magising si Edgar. Nagising siya dahil nakikiliti ang leeg niya. Pagdilat ng mata niya ay nagulat siya. Hinahalikan ni Ram ang leeg niya.

EDGAR: Ram? What are you doing?
RAM: (patuloy sa pahalik) Kunyari ka pang ayaw mo. Alam ko namang matagal mo ng gusto mangayari ‘to!
EDGAR: O-oo nga..P-pero paano mo nalaman…?
RAM: Edgar, halatang-halata ka naman simula palang. Hindi ka sanay mainlove kaya buko ka agad. Naisip ko, bakit pa kita hihintaying umamin kung mahal din naman kita.
EDGAR: (gulat) Totoo? Shit! Oh my god! You don’t know how happy you made me!

Lalaban na si Edgar ng halik kay Ram. This time ay siya na ang iibabaw dito.

Riiinnnggg!!! Rrriiiiinnnnggg!!!

Napabalikwas si Edgar sa sofang hinihigaan. At sinagot ang cellphone.

GREEN: (filtered) Bakla ka! Ikaw lang ang hind nagreply sa akin!
EDGAR: Kakagising ko lang! Oo na, as if I have a choice na humindi.
GREEN: (filtered) Buti alam mo. AT sana nasabi mo na kay Ram ang totoo. Ayaw kong may hindi makatotohanang awkwardness sa ganap ko!

Iyon lang at binabaan na ako ni Edgar ng cellphone. Iyon lang din at narealize niyang nananaginip lang siya kanina. Dahil sa totoong buhay, kung mangyayari man ang eksenang iyon, kailangan muna ni Edgar na umamin kay Ram tungkol sa kasinungalingan niya.

Alam niyang kailangan niya munang maging totoo bago niya makuha ang pagmamahal ni Ram kung sakali.

*****
Inassign ko si Ram at Edgar na kunin ang favorite cake ni Nikko. Feeling ko kasi hindi siya nakakahindi sa akin kapag pinapakain ko siya nun. Kay David ko naman pinabili ang mga flowers na ang iba ay nakaayos na sa hallway. Ang iba naman ay nakasaboy na sa lapag. Tumutugtog din ang “I finally Found Someone” sa player na nasa mesa. After kong simulan ang preparation ay pumasok na ako sa unit ko para magbihis. Paglabas ko ulit ay busy pa rin ang tatlo. Nakahiwalay si David habang magkatabi sina Edgar at Ram.

Sa malayo ay halatang hindi pa nakakaamin si Edgar. Kaya hinatak ko si bakla sa fire exit para kausapin.

             GREEN: Kamusta ang hindi pagsunod sa pinag-usapan. Binigyan na kita ng isang linggo.
             EDGAR: Hindi ko kasi alam paano magsimula. Lagi pa akong nauunahan.
             GREEN: Kahit na! Magalit man siya sayo, Ram needs to know the truth no matter what!

Sa kakapilt ko kay Edgar ay nakinig naman si bakla. Kasama din si David ay umamin si Edgar kay Ram. Noong una ay tahimik lang ito. Hanggang sa naprocess niya ang lahat.

RAM: Kapal mo din! Nakaya mo akong lokohin ng ganun? Ano bang nagawa ko sayo?!
EDGAR: Di ko sinasadya.
RAM: (kay Green) Tapos, alam mo na pala, di ka pa nagsasalita!
GREEN: It’s not my secret to tell. Kung ako lang masusunod, sinabi ko na agad sayo.
RAM: Kahit na!
DAVID: May point naman si Green. Pero ikaw Edgar, maling niloko mo kami.      
EDGAR: Sarili mo ba di mo niloloko diyan sa costume mong Marnee?
GREEN: Edgar!

Halatang nabigla lang si Edgar pero nagkakapikunan na kaming apat.

EDGAR: Ram sorry na… nagawa ko lang naman ‘yun kasi ayoko mawala ka. Kasi nae-enjoy ko ang pag-aalaga mo sa akin. KASI MAHAL KITA!
RAM: (natigilan) SO dapat kitang patawarin kasi ginawa mo ‘yun dahil mahal mo ako? Eh kung aminin ko din sayo na tuwing magkasama tayo these past few days ay kinilig ako. Na feeling ko nafall ako sayo. Pero buti na lang di ako umamin kasi masasayang lang. Sinungaling ka! Manloloko!

Iyon lang at walk-out na si Ram. Sinundan siya agad ni Edgar. Naiwan kami ni David.

GREEN: Sorry sa sinabi ni Edgar. Alam mong hindi niya mini-mean ‘yun.
DAVID: Wala naman akong magagawa. Malaking adjustment talaga ‘to sa mga tao. Paano, una na rin ako. Hindi ko na feel maki-celebrate. Sorry.

Wala na akong nagawa. Bakit ko ba ine-effortan ang sagot ni Nikko. Eh parang simula naman nung una ako lang ang nagpipilit na maging kami. May nangyari nga sa amin pero sabi nga ng madami... sex lang ‘yun. Kaya with that realization, inayos ko na lang ang kalat sa hallway. Winalis ang mga petals at confetti at itinabi ang sound system. Pumasok na lang ako sa condo ko para magpahinga.

*****
Isang oras ang nakalipas. Naka-loop pa rin at tumutugtog si Barbara Streisand sa hallway. Isang oras na ang nakalipas ng may kumakatok sa pinto ko. Nagulat ako dahil si Nikko ‘yun. Dire-diretso siyang pumasok sa sala at umupo sa sofa ko.

NIKKO: Sabi nung guard sa lobby may pakulo ka daw sa hallway. Pag-akyat ko naman wala. Music na lang meron. Sabi pa nagpabili ka kay Ram nung favorite cake ko. Nasan na? Alangan naming solohin mo ‘yun?
GREEN: ‘Yung cake nasa ref kung gusto mo. ‘Yung mga flowers, banners at confetti nasa basurahan kung gusto mo silipin.

NIKKO: Meron ka? Bakit ang sungit mo?
GREEN: Surprise ko ‘yun. Nasira. Dahil lang sa pinaamin ko si Edgar kay Ram at David.
NIKKO: Mas maganda na ‘yun. Mas mabuting nagkakaalaman ang lahat. Proud ako sayo na ginawa mo ‘yun.
GREEN: Pero nasira pa rin surprise ko sayo.

NIKKO: Bakit mo ba naisip lahat ng ‘to? Para mapasagot ako sa tanong mo?
GREEN: (tumango lang ako)
NIKKO: Matagal akong hindi nagparamdam kasi nag-iisip naman talaga ako. And as if naman kahit na umeffort ka pa, kung hindi ang sagot ko, wala ka ding magagawa.

Natigilan ako. So ibig sabihin hindi ang sagot niya? Oh well… tumayo agad ako para hindi mahalatang affected ako. Para rin detached agad ang drama ko.

             GREEN: Eh di hindi kung hindi. Wala naman pala akong magagawa. Kain na lang tayo ng cake.

Nabigla na lang ako ng hinila ako ni Nikko. Napaupo ako. Ang hilig niya talaga sa mga hilahang ganito.

              NIKKO: Arte mo talaga! Humindi ba ako? Sinabi ko bang hindi?
              GREEN: (kinikilig at di makapaniwala) Ibig sabihin…???
              NIKKO: Yes! Willing akong subukan kung saan pupunta ‘tong kagaguhan natin.

Pagkatapos nun ay hinalikan ako ni Nikko. Hindi ko na dudugtungan dahil ‘yun lang ang point ko. Nakuha ko na ang pinakahinihintay ko sa buong buhay ko.

Kinaumagahan ay nagising ulit ako na katabi si Nikko. Habang pinagmamasdan ko ang maamo niyang mukha ay naalala ko ulit ang activity ni Ms.Torres. Totoo nga. Kung titingin ka lang sa loob ng kapwa mo, hindi magiging mahalaga ang panlabas niya. Dahil in reality, mas maganda ang nasa loob ng bawat isa sa atin. Dahil technically, dapat walang ding kinikilalang kasarian, edad, kulay o anu pa man ang pag-ibig.  Ang pag-ibig ay pag-ibig. Tayong mga tao lang ang gumagawa ng paraan para maging kumplikado ito.

“…my life has just begun.
I finally found someone!”
-Barbara Streisand and Brian Adams

*****
Sushal! Sinuwerte ang baklang si Green! Kaso pa naman ang tatlo pa niyang friends?
Ano na ang mangyayari kina Ram at Edgar?
Nakalabas na ang mga sikreto pero magkabati pa ba ang dalawa?
Matuloy pa kaya ang promotion ni David?
Kayanin niya pa kaya ang judgment ng iba pero lalo na ng mga kaibigan niya?
At saan papunta ang Green/Nikko loveteam?

Ito at marami pang iba ang dapat ninyong abangan next week Saturday sa…
RAINBOW CONNECTION Season 3!


at kung dati tuwing Sabado lang... Ngayon pati Linggo na rin.
Rainbow Connection Season 3 ng Sabado
at abangan ang simula ng
Blogserye Specials Presents: Dama De Noche 
ngayong Linggo.


Sabay na matawa, kiligin at matakot tuwing weekend.

1 comment:

  1. Green was in the dumps last season while the others flourished. Haiy. So much tension in the group.

    ReplyDelete