Friday, July 12, 2013

Episode 14 & 15: San Na Nga Ba Ang Barkada?

Ang nakaraan sa Rainbow Connection...
*****

Saan na nga ba, saan na nga ba?
Saan saan na nga bang’ barkada ngayon.

Hindi ko alam kung magpapasalamat ako. Simula ng nagkaroon kami ng problema ng mga friends ko mas marami na akong oras para sa sarili ko. At mas maraming oras para pagtuunan ng pansin ang gusto kong gawing graphic novel.

Minsan masaya ang pakiramdam na disconnected ka sa mundo. ‘Yung parang mag-isa ka lang at walang gugulo sayo...

Pero hindi ganun ang araw na ito... Nasa loob ako ng Starbucks Morato na tinatambayan ko kapag gusto kong mag-isa at magsulat. Biglang nagtext si Green sa akin. Anniversary nga pala ng college organization namin. Ang sabi ko hindi ako sure. Pagka-reply ko, saka ko lang napansin na nagsimula ng umulan sa labas. Ganung-ganun din noong araw na iyon...
*****

Pwede ng pigain ang puti kong panyo dahil sa sobrang basa nito. Nagpumilit pa rin akong gamitin ito para punasan ang tubig ulan sa aking batok at kamay habang nagpapatila ng ulan. Hindi naman ito nakatulong para matuyo ako at mawala ang lagkit. Basang sisiw lang ang peg. Basa na rin ang bag ko.

Kinuha ko ang basa na ring application form sa bag para sa school paper na balak kong salihan. Kapag hinayaan ko ito sa loob ng bag baka tuluyan na rin nitong sipsipin ang tubig mula sa aking makulay na Class A Lesportsac na back pack. Malapit na ako sa building kung saan gaganapin ang audition, kaunting lakad na lang pero walang tigil pa rin ang buhos ng ulan at stuck ako sa isang pavilion kasama pa ang ilang estudyante.

May isang lalaki pa or beki na walang tigil ang kuda at nagrerecruit para sa isang theater org. Iniisa-isa niya ang mga tao run. Walang nakikinig sa kaniya. I'm sure kukulitin din ako nito. I have to dash kaso kapag sinuong ko ang ulan na ito mapapabirit na ako ng kanta ng Aegis na "Basang Basa sa Ulan." Not cool. Pero pag pinatila ko naman ito bukod sa pepestehin niya ako malelate pa ako sa writing auditions dahil twenty minutes na lang magsisimula na ang audish. So I was about to run for my life nang...

"Hey girl! Baka gusto mong sumali sa Teatro Maskara?" 
"Hindi e. Thank you." I said politely.

Pero makulit ang bakla! Masyadong namimilit! Mali-late na ako!!! Nainis na ako, napilitan akong tumakbo na lang papunta sa building. Doon natigilan ang bakla. Hindi ko na siya nilingon pa basta kailangan kong umabot sa audish ng school paper! 

Nagsplash ang puddle of water sa pagbagsak ng aking nagmamadaling paa. Wala nang punas punas deretso ako sa room kung saan magaganap ang writing test. Nasa labas ang adviser ng school paper. Isang matandang babae na medyo stout at alam mong tinina ang maputi ng buhok, nililigpit niya ang booth. Late ako ng mga five minutes. 

"Mam sorry po nastranded po kasi ---"

"In the field of Journalism ikaw dapat ang nauuna pa sa balita." Nakatingin lang siya sa akin. Nanunoot ang tingin.

"Sorry po talaga kasi po --"

"We don't accept excuses here. Kung breaking news ito, ang dami ng nauna sa'yo. Kung sa ganitong simpleng audition late ka na, paano pa kaya sa field? I'm sorry but you can't enter the room." 

Tumalikod na siya at pumasok na sa room. Napanganga na lang ako. Pumapatak patak pa mula sa basa kong pantalon ang tubig ulan creating a small puddle on the floor waxed tiles.

And then, I heard that cheery voice again..

"Girl nagmamadali ka nakalimutan mo tuloy ang application form mo! See you later sa audition!" 

Ibinigay niya sa akin ang application form ng theater org at umalis na lang siya. Bwisit! Kulang na lang lukutin ko yun at ibato ko sa kaniya pabalik...

I never thought na magiging close friend ko ang baklang may kasalanan kung bakit ako hindi nakarating on time sa gusto kong org na salihan.

And that was my first encounter with David.
*****

And that was my first encounter with Ram.

Dahil nastranded si Ram sa ulan at hindi rin naman makakauwi, napilitan ko na siyang umattend ng audition dahil nakita ko rin namang writer siya at naghahanap ng playwright sa org that time.

Feeling ko inis na inis na sakin si Ram noon sa pamimilit sa kanya pero wala na rin siyang nagawa. Kahit ayaw naman niya talagang umarte, umeffort na lang si bakla para matapos na. Kita ko sa mata niyang naeepalan siya sa akin because of my over-confident nature. Oh well, nasanay na lang siguro siya sa akin through the years.

That day ko din nakilala sina Green at Edgar. Naintimidate ako kay Green dahil nakaeksena ko siya sa isang improv exercise. Si bakla pang best actress ang bira agad sa eksena. Lamon na lamon ako. Tapos may trying hard sa improv na kumuha pa ng isang babae na kunyari papasagutin niya. Kilig na kilig kay Edgar si bilat. Cute. Ang alam ko, naging crush pa siya ni Ram nun e pero waley sa acting. Haha. Closet pa si Edgar nun. Sophomore na kami nung umamin si bakla.

Nakapasa ako. Nakapasa din si Ram dahil mataas siya sa scriptwriting test. Si Edgar crush nung seniors kaya kahit wala masyadong talent, pasok na rin. Chos. Besides,  Production Management naman aspect na inenlist niya at hindi acting. Si Green ang favorite. Darling of the members si pota. And the rest is, as they, say history...

Parang kapatid ko na ang tatlong yan. Kaya it pains me na medyo hindi okay ang barkada ngayon. Nagkainitan sina Green at Edgar. Hindi pa rin ako kinakausap ni Ram. Wala na sa akin kung sino ang tama at mali. Gusto ko na lang na maayos kami ni Ram.
*****

Gusto ko na ding maayos kami ni David...kaming apat.

Kaya heto ako ngayon, nakaupo pa rin sa couch ng Starbucks at nagmumuni-muni. At habang tumutuloy ako sa pag-alala ng nakaraan, may isang memory na sumiksik sa akin.Naalala kong dito sa same coffee shop na ito nakilala ko si Mark.

Si Mark na weird at hindi ko man maipaliwanag ang mga nangyari sa amin ay masasabi kong gusto ko. At ramdam kong gusto niya rin ako... pero paano ko ipu-push ang feelings ko kung hindi ko alam kung saan ako lulugar sa kanya. Hindi ko malaman kung Paano ko siya babasahin. Hindi ko siya maintindihan.

I felt na pabagsak na ang luha ko kaya nagmamadali na akong tumayo. Palabas na sana ako ng...

"Ram?"

Pagtingin ko sa may counter, nakatayo si Mark, hawak niya ang kamay ng isang cute na batang lalaki. Nakakapote at nakangiti sa akin.

Naramdaman kong ito na ang tamang pagkakataon para makapag-usap kami ng masinsinan. After naming mag-usap, I finally understood David.
I decided to attend our org’s anniversary party.
*****

Pagdating ko sa party ay si Green agad sumalubong sa akin.

As usual, si Green at isa pang alumni ang punong abala sa party namin. Siguro ginawa rin ito ni ate para malunod siya sa daming gagawin at iisipin. Para makalimutan niya ang nanagyari sa kanila ni Nikko. Bineso ko siya at niyakap. Siya na ang naunang mag-open. Okay lang daw. Para saan pa ang 24 years ng practice kung ganitong sakit lang ay hindi niya makakaya.I just smiled and wnet to the bar to get drinks. I know Green will be okay. Siya yung taong ginagamit ang mga hurts para mapush ang sarili to achieve bigger things.

Habang umiinom, nakita ko si Ram na dumarating. Tumalikod ako. Iiwas sana ako dahil hindi ko naman alam kung papansinin niya ako. Saka ko na lang naramdaman ang hampas niya sa balikat ko.

“Gets ko na! Gets ko na!” Paulit-ulit na sigaw ni Ram.

Finally he understood na ang reason kung bakit di ko masabi sa kanya ang secret ni Mark ay dahil kailangang manggaling talaga kay Mark ang kuwento. Narealize niya na rin na ang kailangan lang sa akin ni Mark noong araw na nakita niya kami ay ang tulong ng lawyer uncle ko.

Pareho kaming nag-sorry sa isa’t-isa at nagpatawaran. Isa na lang ang problema ni Ram ngayon. Iniisip niya kung okay lang ba ang magiging set-up nila ni Mark if ever maging sila? Anak ni Mark ang kasama niya sa Starbucks at he is fighting for his right to be with his kid. Ayaw kasi ng pamilya ng babae na makasama niya ang anak dahil bakla siya.

Naloloka si Ram. If ever first boyfriend niya ito pero ganito naman kalaki ang problema. Ako parang ayaw ko muna ng mga ganyang lovelife problems.
*****

At wala na nga kaming problema ni David.
Nakiuwento ko na sa kanya ang lahat at maluwag na kaming babalik sa pagiging magkaibigan.

Nang makita kami ni Green ay masayang-masaya ang bakla! Nagsimula kami ni David na lokohin siya na dapat magbati na rin sila ni Edgar. Sabi ko pa na masasakit kasi ang mga sinabi ni Green kay Edgar.

Tinarayan naman ako ng maldita. Totoo naman daw ang lahat ng sinabi niya. Mas lumalapit si Edgar kapag may kailangan at napilitan lang siyang kaibigan ito noong college sila. Totoo daw naman ang lahat ng iyon pero it doesn’t mean na wala siyang pake kay Edgar. Mahal niya pa rin ito bilang kaibigan.

Saktong darating si Edgar. Touched naman ito sa mga sinabi ni Green. Nag-sorry rin dahil hindi naman niya alam na mali ang timing niya sa pagtawag kay ate. Saka na lang namin napansin na namamayat si Edgar at mukhang walang tulog.

Nagulat kami sa sinabi niya sa aming tatlo. Bago pa man kami makapag-react ay umalis agad si Edgar. Tumakas lang daw siya from Cassandra. Pinagbabawalan na kasi siya ng monster na makipagkita sa amin dahil lalo daw mahahawa si Edgar ng kabaklaan. Malapit na ang kasal ni Edgar. Kailangang may gawin kami.

Magkaibigan, magkaibigan magkaibigan parin ngayon.
Magkaibigan, magkaibigan magkabarkada parin ngayon.
*****

Ano ang mangyayari kay Edgar? Matuloy kaya ang kasal nila ni Cassandra?
Ano na ang mangyayari kay Green at Nikko? Magbago na naman kaya ang friendship ng dalawa dahil kay Ella?
Ano ang magiging desisyon ni Ram? Pipiliin niya ba ang magulong set-up ni Mark o tatapusin na niya ang lahat?
Ano ang naghihintay sa kapalaran ni David? Makahanap pa kaya siya ng lalakeng mamahalin siya o titigil na siya sa paghahanap?



Abangan next week ang mga sagot sa 
Rainbow Connection.