Saturday, November 9, 2013

(S2) Episode 5: I'll Never Go

Ang Nakaraan sa Rainbow Connection...

***

Umuusok pa ang mainit na tinola sa mesa. Naririnig ko pa shik shik shik ng walis tingting ni lola habang nagwawalis siya sa bakuran. May mga ugong ng tricycle sa labas. Ang surreal. Malayong malayo sa mundo ko sa Morato...

"Butit nakauwi ang unica hija ko." biro ni Mama Minda habang nilalapag niya ang gatas ng kalabaw sa tabi ng plato ko. Pero dalawa kaming magkapatid. Si Kuya nasa Tarlac, kasama ang asawa't kambal na anak.

Sinuklian ko lang siya ng ngiti habang sinasabawan ng gatas ng kalabaw ang aking kanin.

"Hindi ka man lang umuwi nung Undas. Baka dalawin ka ng lolo mo nyan!"

"Busy e." sabi ko na lang. "Tumawag si Tatay?"

"Oo. Nung gabi. Kaso mabilis lang. Alam mo naman amo nun sa Saudi..." Nagbasa siya ng diyaryo, Abante.

Katahimikan. Nagsimula akong kumain. Namiss kong magkamay. Namiss ko ring gumising ng maaga. Sa probinsiya, parang required gumising ng maaga. In fairness naman pag nagising ka na feeling mo energized ka kahit puyat ka nung gabi. Malayong malayo sa mundo ko sa Morato --

May nag text.

"Bakla kailan ka ba uuwi?! Kailangan ko ng friend ngayon dahil sa hayop na Ellang yan!" sabi ni Green.

Hindi ko siya nireplayan. Hindi ko pa alam kung magpapaka-Madam Coring ako kay Green nag a-ala Madam Claudia Buenavista ngayon kina Ella at Nikko.

"Kumusta ang mga kaibigan mo?" Tanong ni Mama.

"Okay lang." matipid kong sagot. Naalala ko ang ginawa sa'kin ni Edgar sa party. Bastos. Naiinis ako kasi kung kailan kailangan ko siya tsaka naman siya nagkakandaleche leche.

Siya lang kasi ang may alam ng totoong dahilan kung bakit kami nagbreak ni Mark...

"Akala ko kaya ko Mark. Sorry."

"Nakikipagbreak ka ba sa'kin?"

Tumango ako. Kinabog ko si Juday sa pagtulo ng aking mga luha. Naghahabulan parang nasa marathon. Hindi ko siya matignan sa mata pero pilit niyang inaangat ang mukha ko para makita ang mga mata niyang nagsusumamo...

"Bakit?" Tila napuno ng question marks ang mukha ni Mark.

"Hindi ko pala kaya... Nahihirapan ako."

"Pagtutulungan natin yan. Alam kong first time mo pero --"

"Sorry..."

Tumakbo na lang ako palayo. Humabol naman siya sa akin. Pero ang taong gustong lumayo, kahit si Elma Muros pa ang humabol... hinding hindi ito magpapahuli...

Matagal kong hinintay ang kwentong ito. Pero hindi ko inakalang ako rin pala ang tatapos.

Sa tatlong linggong naging kami ni Mark, parang hindi ko nakilala ang sarili ko. Lagi akong agit. Bawat kibot text ako ng text. Kapag hindi siya nagrereply medyo umiinit ang ulo ko. Alam ni Edgar ito kasi siya nga ang nakasama ko sa condo bago ko siya pinalayas. Hindi ko masabi kina David at Green kasi...

Nahihiya ako. 

Naririnig ko na ang litanya ni Green sa utak ko... Gaga ka ba? Ang tagal mong hinintay yan tas ganyan ka? Tanga ka ba? 

...At ang positive advice ni David na ganun talaga at walang masama kung magdemand ako ng oras kasi kami naman ni Mark...

Pero hindi lang ako ang nasa buhay niya. May anak siya. At dating girlfriend. Nung second week umabot pa sa puntong pinagselosan ko ang ex niya  dahil nagsama sila para sa Family Day nung anak nila. Bakit hindi ako?! Sabi ko sa kaniya. Hindi niya ako sinagot at umalis na lang siya. Hindi ko siya kinibo ng buong araw. Dumagdag pa ako sa dinanadala niyang problema.

Sabi ko, hindi ako ito... Hindi ko kaya...
Akala ko fairytale is fairytale...
Tatlong linggo pa lang kami ganito na...
Paano kapag isang buwan na? Dalawa? Tatlo....

Kaya hindi ko na pinrolong ang agony at nakipagbreak sa kaniya...
...akala ko kasabay nun, mamamatay din ang Ram na nakilala ko sa tatlong linggo na yun...
Sinama pala niya ang mas kilala kong sarili ko sa hukay...

Kaya umuwi ako dito sa San Miguel. Three days na ako dito sa Bulacan. Well isa akong provincial lass. Check mo sa Google kung hindi mo alam kung san yan. Dito, malayo ako sa buhay ko sa Morato... at kay Mark.

"Anong problema?"

Natigilan ako. Mother knows best talaga. Pagtingin ko sa kaniya, naghihintay siya sa akin ng sagot.

"Hindi ba first and last love mo si Papa?"

Tumango si Mama. May kasamang kilig na parang teenager. Natawa na lang ako.

"Ay naku ang daming nanligaw sa akin. Mga taga-Cabiao pa at ibang bayan ng Bulacan. Pero pinili ko yang si Rudy!"

"Hindi ka ba nahirapan ma?"

"Saan?"

"Na mag-adjust. Kasi buong buhay mo single ka tapos bigla kang nagkaboyfriend..."

"Medyo. Pero inalalayan ako ng Papa mo. Lagi niyang sinasabi sa akin na dalawa na kami ngayon at hindi na lang ako mag-isa..."

Natahimik ako.

Sinabi sa akin yun ni Mark nung nakasalubong ko siya sa Starbucks bago mag-Halloween Party. Pinuntahan niya ako sa condo nun pero wala ako kaya nagbakasakali siya sa Starbucks Morato. True enough, tama naman siya. Ayaw niya akong mawala sa buhay niya pero binigyan niya ako ng oras para mag-isip. Tatanggapin daw niya kung anuman ang maging desisyon ko. Mabilis lang. Wala pang sampung minuto ang usapan na yun. Tsaka siya naglakad paalis...

"Hindi ko rin naman maiwasang matakot nun anak. Pano kung lokohin ako ng papa mo? Paano kung masaktan ako? Mahirap ipagkatiwala ang puso sa ibang tao kasi hindi mo alam kung dudurugin lang nila ito."

Naalala ko si David na ilang beses nang pinagkatiwala ang puso niya... pero dinurog lang naman ito ng paulit ulit.

"Pero ginawa ko pa rin. Pinaubaya ko sa kaniya ang lahat. Bahala na. Basta ang alam ko mahal ko ang taong ito at alam kong mahal din niya ako. Hindi ba mas masarap namang isipin na kahit anong mangyari, masaktan ka man sa huli, alam mong nagmahal ka. Tama naman ang desisyon ko. Hanggang ngayon mahal na mahal pa rin ako ng Papa mo."

Ngumiti ako. Ngumiti rin siya sa akin.

"Normal lang matakot anak. Pero kung mahal mo ang isang tao at alam mong mahal ka rin niya, wala kang dapat ipangamba..."

Nabusog ako sa almusal kong iyon.

***

Nag-empake na ako ng gamit. Pabalik na ako ng Manila.

"Ano bakla? Inugat ka na sa probinsiya? Balitaan mo na lang ako kapag nagaararo ka na diyan." Napangiti ako kay Green. Ang dami pang sinabi alam kong namiss niya lang din ako.

"Guys. Kaya pala hindi sumasagot si Monti nun kasi nasa seminar siya. God. Im so relieved!"
Sabi ni David sa group Viber namin.

Si Edgar. Nada. Ewan ko kung nasan yun. Sa ngayon, hindi ko muna siya problema... merong mas importanteng taong dapat kong ---

"Anong ginagawa mo rito?!" Nagulat ako dahil nakatayo sa labas ng pinto ng kuwarto ko si Mark.

"Sinusundo ka."

"Ay confident ka na sasama ako sa'yo?"

Ngumiti siya. Shet. I melted.

"Oo. Textmates kami ni Tita e."

Pagtingin ko nakasilip si Mama sa hallway. Kumindat kay Mark.

"What?!" Nagulat ako na magkakilala sila.

"Nagpunta siya dito nung isang araw. Nag-usap na kami." sabi ni Mama.

"Ang daya niyo ha?!" Hindi sinasadyang naging pasweet ang boses ko. Shet. Seryoso nga si Mark. Ginawa niya yun? Kinilig ako. Hihi.

"Oh iwan ko na kayo. Baka kung anong gawin niyo hindi ako ready na masaksihan." Natawa kami ni Mark. Umexit si Mama sa eksena.

Natahimik ako. Kinuha ni Mark ang bag ko. Hindi ko alam ang sasabihin. Nahihiya ako sa kaniya actually kasi ang arte arte ko. Lol.

"Paano kung hindi ako sumama ngayon sa'yo?" sabi ko.

"Eh di hindi. Sabi ko naman sa'yo di ba... kahit anong desisyon mo tatanggapin ko." seryoso si Mark kahit na pabiro lang ang tanong ko.

Nagseryoso na rin ako.

"Sa totoo lang natatakot pa rin ako. Hindi kasi ako sanay..."

"Ram, hindi ko masisigurado na mabibigyan kita ng fairytale lovestory, pero kaya kong sabihin sa'yo na hinding hindi kita sasaktan."

Napatingin ako sa kaniya.

"Sinasabi mo lang yan ngayon kasi kailangan mo akong sumama sa'yo."

"E di wag kang sumama." sabi naman niya.

"Okay." sabi ko naman.

"Hindi nga?"

"Natakot ka no?" sabi ko.

Natawa siya.

"Sasama ako kasi wala akong pamasahe pabalik!" Natawa siya ulit.

Hinawakan ko ang kamay niya.

"Sorry naduwag ako." sabi ko sa kaniya.

"Wag kang matakot. Nandito lang naman ako." sabi naman niya sa akin.

Naglakad kami palabas ng bahay ng magkahawak kamay. Babalik na ako sa Manila.
Babalik akong kasama siya.

*****
Ang haba ng hair ni potang Ram! Infairness, nawawala na ba ang sumpa? 
Si David nabunutan ng tinik. So ilalaban na nga ba niya?
Tapos hetong si Green kating kati na rumesbak kay Ella. Oh so afraaaid!
Anyare naman kay Edgar? 
More chismax sa susunod na episode ng RAINBOW CONNECTION! 









No comments:

Post a Comment