Sunday, November 23, 2014

(S4) Episode 6: Sometime Somewhere


2004
Senior year. Third quarter exams at kailangan ko ng tulong sa Physics. Dalawang quarters na akong bagsak sa subject at ayoko na ng pangatlo. Mamemeligro ang graduation ko kapag hindi ko naayos ang grades ko this time.

And a desperate moment like this calls for desperate measures. Overnight review session with Nikko. First time kong aasa sa isang tao na mas bumabagsak pa sa akin. Suwerte lang niya na magaling siya sa numbers and formulas. Suwerte ko na rin dahil may rason na naman para matulog siya sa amin. Pinipigilan ko ang sarili kong kiligin. Charot!

Maraming beses na rin naman siyang natulog sa kuwarto ko. May reason man o wala. Maraming beses na akong gumising na mukha niya ang una kong nakikita. Iba nga lang ang pagkakataong ito. Pagkatapos kasi ng ilang taong pagtatago ng feelings, sure na sure na ako na mahal ko siya this time.

But unlike the other times, wala sa earth ang ulirat ng lalakeng mahal ko. Ilang oras na niya sa aking pinapasolve ang isang problem pero hindi ko pa rin magawa. Ilang oras na rin siyang nakaharap sa cellphone niya. Katext niya ang ex-gf niyang nagpaparamdam ulit.

GREEN: (pikon na sa pagsosolve pikon pa sa paglalandi ni Nikko)
Ayoko na! Walang pupuntahan 'tong pagrereview ko.
NIKKO: (finally napansin din ako)
Exam na bukas. Kapag hindi mo nasagot 'yan, hindi mo rin masasagot ang test bukas.
GREEN: Ayoko na nga! Kung bagsak e di bagsak!
NIKKO: Brat mode? Yosi ka muna. Pahinga. Tapos balikan mo review questions ko.
GREEN: Paano ko kasi masasagot, wala naman sa akin focus ng tutor ko.
NIKKO: (natawa) Sabi ko na nga ba, hindi ka sa tanong naiinis.

Tutunog ang cellphone ni Nikko. May nagtext. Na naman! Nainis ako. Hinablot ko at binato ko sa kama.

NIKKO: Badtrip ka.
GREEN: Ano pa ba kasi ang gusto niyang ex mo? Siya nakipagbreak sayo di ba? Tapos ngayon lalandiin ka niya ulit.
NIKKO: Paano mo naman nalaman na nilalandi niya ako.
GREEN: Gago! Halatang-halata sa mukha mo!
NIKKO: (paserious ang mukha kunyari wala lang) Bakit? Ano ba meron sa mukha ko?
GREEN: Ginagawa mo 'yung mukha mo kapag kinikilig ka slash pinipigilan mo na ipahalata slash para kang naiihi slash nalilibugan ka ng konti!
NIKKO: Wow naman! Pati mukha ko kapag nalilibugan ako alam ng bestfriend ko. Sabagay, nahuli mo na ako once doing the deed.
GREEN: Yuck! Leche ka! Huwag mo na ngang ipaalala sa akin 'yun. Nakakasuka!
NIKKO: Parang di ka naman nasuka nun. Di mo nga maalis mata mo sa-
GREEN: (mabilis ko siyang tinulak sa kama at kunyaring sinasakal) Ituloy mo sasabihin mo sasakalin talaga kita!
NIKKO: (sa lakas ni Nikko ay napagpalit niya ang posisyon namin) (siya na ang nasa ibabaw at hawak ang mga kamay ko) (inilapit niya ang mukha niya sa akin) If I know, madalas mong maisip 'yung time na 'yun. Ano? Umamin ka na Sigfried!

Hindi na ako nakasagot. Totoo naman. Wahahaha! And then I realized na nakaibabaw siya sa akin. Super lapit ng mukha namin sa isa't-isa. Nagkatinginan kami ni Nikko. Matagal. Hanggang sa tumunog ulit ang cellphone niya at biglang naging awkward ang lahat. Mabilis siyang tumayo at binasa ang text sa kanya. Tumayo naman ako. Lumayo. Kunyari nag-aayos ng ibang gamit.

GREEN: Seryoso na. Ano na status niyo niyang si Cheska?
NIKKO: Wala friends lang.
GREEN: Hindi puwede 'yun.
NIKKO: Ikaw ba magdedecide nun? Saka may boyfriend na naman siya.
GREEN: Kaya nga! Hindi kayo puwedeng maging friends kasi hindi naman kayo friends to begin with bago naging kayo dati.
NIKKO: Ang point mo ay...
GREEN: Hindi puwedeng balikan ang hindi naman nangyari dati. And remember yung quote na finorward ko sayo dati. Either mahal pa ng couple ang isa't-isa o hindi talaga sila nagmahalan para kayaning maging friends after ng relasyon nila. Gagamitin ka lang niya. Sex lang ang gusto niyan.
NIKKO: (natawa) E di maganda!
GREEN: (pabirong sinampal ko si Nikko) Gago ka talaga! Natutuwa ka lang ngayon kasi nagpapahabol sayo ‘yang si Cheska. Nauulol ka pa naman kapag may nagpapahabol sayo!

Ang ending, pinakopya nalang ako ni Nikko ng sagot niya sa exams. Nagkabalikan din sila ni Cheska after that night. Medyo tumagal din sila hanggang sa may anonymous call ang natanggap ng daddy ni Cheska na sinusumbong siyang may dalawang boyfriend. Dinala agad siya sa States without finishing our senior year. Galing ko talaga! Wahahaha!

PRESENT
At katulad ng gabing iyon, malinaw sa akin ang rason kung bakit paramdam ng paramdam si Nikko pagbalik niya. Ayoko sanang i-entertain pero mapilit siya. Nangako na nga ako na mag-uusap kami after a week at nagawa ko pa ding hindi siya siputin.

Katok siya ng katok sa unit ko at deadma lang ako. Tawag siya ng tawag pero hindi ko sinasagot. Hanggang sa puntahan niya ako sa coffee shop ni David at seryosong kinausap. Ramdam ko sa boses niya na hindi na siya nagbibiro. Hindi na rin magsasayang ng oras. Kung sana lang ganito siya ka persistent sa naging relasyon namin noon. Hindi sana kami ganito ngayon.

Kaya ito ako ngayon. Namimili ng pinakamaganda at kabog kong damit. Haharapin ko na si Nikko finally sa isang dinner na inayos niya. Pagkatapos ng dalawang linggo ay haharapin ko na siya. Bahala na.

*****
Pagkatapos din ng dalawang linggo ay pumayag na si Erik na makipag-usap kay Ram.

Kung tutuusin, hindi naman malaking deal kapag nalaman mong naiwan ng boyfriend mo ang panyo niya at isinauli ito ng ex niya. Wala ka namang cheating na madederive from that. Pero ang pakiramdam na may itinatago sayo ang boyfriend mo ang hindi okay kay Erik. Katulad ni Ram, ayaw din niya na pinasisinungalingan siya.

Idagdag pang may mas malaking kuwento sa likod ng panyong ibinalik ni Mark kay Ram. Na sa kabila ng panyo ay may halik pang ang dalawa lang ang nakakaalam.

After ng ilang paliwanagan na wala dapat ikaselos si Erik ay pumayag na itong makipag-usap kay Ram. Pupuntahan siya ni Erik sa condo niya at lalabas sila. Timing pang showing na ang newest installment ng Hunger Games series. Bihis na si Ram ng may nag-doorbell. Nagulat siya ng hindi si Erik ang nakita kung hindi si Mark.

Dali-daling pumasok si Mark at hindi naman nakapagsalita agad si Ram.

RAM: Anong ginagawa mo dito? Magkikita kami ni Erik...ng boyfriend ko.
MARK: Ram, after that night-
RAM: Hindi na mahalaga ang sasabihin mo. Kalimutan na natin ang nangyari. Nadala lang tayo. A kiss is just a kiss.
MARK: Naniniwala ka ba sa sinasabi mo.

Hindi nakasagot si Ram.

Nagpatuloy si Mark sa speech niya na dahilan ng pagpunta niya. Umamin siyang mahal niya pa rin si Ram. Alam niyang naconfuse lang ito kay Edgar dati at naghintay siya para balikan siya ni Ram. Pero naghintay lang siya ng naghintay at hindi bumalik si Ram.

Lumapit si Mark kay Ram at naglapit ang kanilang mga mukha. Katulad ng nakaraan, hinalikan ulit ni Mark si Ram. At hindi lumaban ang tangang puso ni Ram. Nagpaubaya sa halik. Matagal. Nagulat nalang sila ng bumukas ang pinto at makitang nandoon na si Erik.

Huminga ng malalim si Ram. Bahala na.

*****
Simula naman ng nakijoin na si Edgar sa pagbubuntis ni MK ay nagkaroon siya ng bagong hobby. Dati ay pumupunta siya sa mall para umaura ng mga poging boylet. Ngayon, pumupunta siya sa mall para umaura ng mga damit at gamit na pang-baby. Plus umaura pa rin ng boylet kapag may chance. Chos.

Inuubos ni Edgar ang oras sa paglibot at pag-iisip ng mga bibilhin para sa anak niya kapag oras na ng paglabas nito. This time pa nga ay nagpasama siya kay Cassandra.

EDGAR: You're late. Tagal mong di nagpaparamdam tapos ganito pa.
CASSANDRA: (sarcastic ang loka) Sorry ha! Galing pa kasi ako sa family lunch namin. At bakit mo pala ako tinawagan, wala kang ibang friends na available?
EDGAR: Bakit ang seryoso mo?
CASSANDRA: Hindi kasi puwedeng ganito lagi Edgar.

Hindi alam ni Edgar ano ang natira ni Cassandra at umeemote ang loka.

EDGAR: Ano bang trip mo? Meron ka ba?
CASSANDRA: Shut up! Isang beses ko lang sasabihin sayo ito kaya makinig ka na. Noong una, okay lang sa akin. Kaso habang tumatagal feeling ko nasasanay ka lang at sumusobra ka na! Kahit arranged lang dati ang kasal natin, I really fell for you. Kahit bakla ka, minahal kita...mahal kita! Kaya nag-isip ako ng mga ways how to stay in your life. Hindi ko naman alam na ang tanging paraan para manatili ako sa buhay mo ay ganito. Kaibigang tinatawagan mo lang kapag kailangan mo. And that is kapag wala pang available sa iba mo pang friends.
EDGAR: Naintindihan ko naman pero-
CASSANDRA: No! You don't understand. I want you to want me, I want you to need me! I want to be the first person na hahanapin mo at kakailanganin mo. Tapos ngayon, bigla ka pang magkakaanak, e ayaw mo nga sa mga ganung seryosong bagay! Bakit hindi ako! Nandito lang naman ako palagi!!!
EDGAR: Hindi ko naman ginusto 'yun.
CASSANDRA: At hindi ko rin ginusto na mahalin ka...pero nangyari. Kaya for my sanity, please, huwag mo na akong tatawagan. Lalayo muna ako sayo hanggang sa may nararamdaman pa ako sayo. Akala ko kasi dati okay na ako...hindi pala.

Iyon lang at walk-out na ang effect ni Cassandra. Wala namang magawa si Edgar. Hindi man niya gustong masaktan si Cassandra ay nagawa na niya. Sawa na rin siya na makasakit at disappoint ng mga tao sa buhay niya kaya nga pinaninindigan na niya ang unborn child niya.

Naiwan si Edgar sa baby section na pinagtitinginan ng mga tao dahil sa monologue ni Cassandra. Hindi naman sure si Cassandra kung kakayanin niya nga bang lumayo talaga kay Edgar. Pero sa ngayon... Bahala na.

*****
Magkasama naman si David at Monti sa comedy bar ni Jaboom.

Isa pa rin ito sa ways ni Monti para ipakita at iparamdam kay David na okay na siya sa bago niyang pagkatao na si Marnee. Well, in my opinion, dapat lang maging okay si Monti sa ganap ni ate kung mahal niya talaga ito. Minsan kasi ang hirap maintindihan na mismong isang bakla ang may judgment sa isa pang bakla. Iba man sila ng bihis, pareho pa rin ang nasa loob nila. Pareho sila ng gustong nilalagay sa bibig nila. Kaya dapat walang echosang ganun.

Hinatid lang ni Monti sa lobby si David.

MONTI: Are you sure ayaw mong ihatid pa kita sa taas?
DAVID: Okay na ako. Late na rin. Pahinga ka na.
MONTI: Umulit pa ba 'yung mga nananakot sayo.
DAVID: Sadly, yes. Parang nasasanay na nga ako. Mga pictures kong walang ulo, paperdolls na sunog etc.
MONTI: Magreport na kasi tayo sa mga pulis.
DAVID: Sino irereport natin? Hindi naman natin alam kung sino. Nagreport na rin naman ako kina Green sa HOA at sa security. May CCTV naman ang buong building kaya keri na.
MONTI: Don't you think si...what's his name again?
DAVID: Roger? Ewan. Pero ang kapal naman niya kung gaganti siya. Naawa na nga ako sa asawa niya kaya inurong ko ang kaso.
MONTI: But he's a violent man. Baka feeling niya natapakan mo ego niya. Suntukin ko 'yun e!
DAVID: Don't worry. Sasabihan kita agad kapag may nangyari pa.

With that ay hinatid na sa elevator ni Monti sa elevator paakyat si David. Sumakay naman siya sa isa pa para bumaba sa basement parking.

Medyo malayo ang parking ni Monti. Habang naglakakad ay nakaramdam siya na may sumusunod sa kanya. He looked back at wala siyang nakita. Nagulat nalang siya dahil pagharap niya ay baseball bat na ang humarap sa kanya. Isang nakahood na lalaki ang pinagpapalo siya ng baseball bat. Hanggang sa mawalan ng malay si Monti ay hindi niya alam na si Roger ito.

Walang kaalam-alam si David sa nangyari. Sa isip niya, kung may magpadala pa ng threat sa kanya ay saka na siya iisip ng gagawin. Bahala na.

*****
Alam kong naghanda ng dinner si Nikko pero unexpected ang ganap niya. Akala ko somewhere in Tomas Morato lang ang naisip niya pero hindi. Pagbaba ko sa lobby ay nakaparada na ang kotse niya. Sumakay ako at nagulat dahil papunta kaming Tagaytay.  Hindi nalang ako umimik at nakiride nalang.

Pumunta kami sa resthouse nila. Nakapunta na ako dati dito pero iba ang ayos ngayon. Kumpleto ang set-up ng table for two. May mga ilaw at kung anu-ano pa. Kung regular day ito, kinilig na ako.

Pinaupo niya ako at sinervan ng wine. Nagyosi na rin ako dahil natetense ako sa ganap ni Nikko. Mas lalo akong naloka sa sunod na nangyari. Biglang may tumugtog at humawak ng microphone si Nikko. Alam kong hindi siya marunong kumanta kaya hindi ko alam kung bakit niya ito ginagawa. Sayo na lang ako ni Karylle ang kinakanta niya.

NIKKO: (singing)
'Di ko maintindihan o bakit ganyan
Ang pag-ibig ko sa 'yo ay sadyang 'di nagbago
Kung sana lang alam mo

Pero 'di, hindi mo alam kung pa'no sasabihin sa 'yo
Baka naman tuluyan kang lumayo
Sana nama'y paniwalaan mo
Ito ay pagtinging totoo

Kung pwede lang naman
Kung pwede lang pag-bigyan
Pag-ibig ko sa 'yo, 'di papatalo
Kung okay lang naman
Pwede bang ikaw na lang
Ang bubuo sa buhay kong ito
Kung pwede lang ako na lang sa 'yo


He was so cute. Charming. Bakit ba ngayon lang niya ginagawa lahat ng ito. Lumapit ako sa kanya. Actually sa sa cd player...at pinatay ito.

GREEN: Stop this.
NIKKO: (natatawa) Nasa tono naman ako. Pinractice ko pa 'to ng matagal.
GREEN: Hindi lang ang pagkanta mo. Tigil mo na ang lahat ng 'to.

Niyakap niya ako bigla.

NIKKO: Sorry na! Please naman o. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Alam kong malaki ang kasalanan ko na umalis ako bigla. Na iniwan kita. Pero nandito na ako ulit.
GREEN: It doesn't matter.
NIKKO: Green naman! Wala namang nagbago kahit nung umalis ako. Ikaw pa rin ang nasa isip ko. Ikaw lang! Tayo na ulit. Tayo nalang ulit!!!

Inalis ko ang pagkakayakap niya. Naglalakad na ako pabalik sa kotse.

GREEN: Umuwi na tayo.

Hinili niya ako. Marahas. Niyakap ulit. Mahigpit. Hindi ako makagalaw.

GREEN: Bitiwan mo nga ako. Para kang bata!

Hanggang sa napikon na siya at itinulak ako.

NIKKO: Tangina naman Green, ano pa ba ang dapat kong gawin?!
GREEN: Akala mo ba ganun lang kadali 'yun? Sinikreto mo ako dati, iniwan mo ako mag-isa. Nadpress ako. Nagpakalasing, nakulong lahat na! Tapos feeling mo kakanta ka lang okay na.
NIKKO: (sumisigaw) I love you Sigfried Grenados! Mahal na mahal kita! Ayan! Pinagsisigawan ko na. Gusto mo ba tawagan ko pa parents ko ngayon para sabihin na matagal ng tayo? Aaminin ko nahihiya ako dati sa set-up natin pero hindi ako nahihiyang mahal kita.

Sinampal ko siya.

GREEN: Nahiya ka pa rin!
NIKKO: Anong gusto mong gawin ko. Akala ko ba naiintindihan mo dati. Bago sa akin lahat ng 'to. Pero sinubukan ko kasi may feelings naman talaga ako sayo. Ngayon, narealize ko na hindi ko talaga kaya kapag wala ka.

Bigla siyang lumuhod. Niyakap ako sa binti ko. Mahigpit. Naiyak na rin ako sabay niya.

NIKKO: Green naman. Mahal kita e!
GREEN: Naguguluhan k lang. Nuulol ka kasi akala mo nagpapahabol ako. Hindi ako nagpapahabol. At may magbabago ba kapag tinanggap ulit kita? Wala naman di ba? Straight ka pa rin. Sabihin na nating mahal mo ako ngayon, pero darating din ang time na maghahanap ka ng babae. At hindi ako 'yun.
NIKKO: Hindi ka naman nakikinig! Wala akong pakialam kung hindi ka nga babae. Malinaw na naman 'yun di ba? Ikaw nga ang hinahanap ko!

Nag-isip ako ng sasabihin para tumigil na siya. Para rin tumigil na ang puso kong maniwala sa mga sinasabi niya.

GREEN: Ayoko na Nikko! Walang pupuntahan 'tong gusto mo. Sorry. Mali na I dragged you sa pantasya kong magiging tayo at magiging masaya tayo dun.
NIKKO: Pero naniwala na ako dun. Ngayon aayaw ka nalang? Tatapusin mo na?
GREEN: Ikaw ang tumapos, hindi ako.

Hindi pa rin siya bumibitaw sa pagkakayakap sa akin.


NIKKO: Tapos kung tapos! Pero gusto pa rin kita sa buhay ko! Di ba sabi mo dati, dalawa lang ang dahilan kaya okay lang magsama ang dalawang tao pagkatapos ng relasyon nila. Mahal pa nila ang isa't-isa o hindi talaga nila minahal ang isa't-isa. Mahal pa rin kita! Mahal kita!
GREEN: Sigurado ka? Baka naglokohan lang tayo. Hindi natin talaga minahal ang isa't-isa. Libog ka lang. Desperada lang ako.NIKKO: Sabi mo rin dati na hindi puwedeng balikan ang hindi nangyari. Pero totoo ang nangyari sa atin. May babalikan tayo.GREEN: Meron nga. Pero ayoko na.

Alam kong katangahan ang ginagawa ko. Matapos ang ilang buwan na nawala si Nikko, ang pagkakataong ito ang pinakahihintay ko. Ang yakapin niya ako, umamin siyang nagkamali siya at sabihing mahal niya ako. Kaya lang, kahit anong gawin ko, hindi ko magawang basta umoo nalang at kalimutan ang lahat.

Gumaganti lang ba ako sa kanya? Siguro. Pero higit pa doon, hindi ko kasi maalis sa isip ko na pinilit ko lang ang lahat ng ito. Pinilit ko siya kaya minahal niya ako. pinilit ko siyang magcommit sa ganitong relasyon. Ayoko na. Walang pupuntahan ang lahat ng ito.

Sobra rin ang sakit na naramdaman ko noong nawala si Nikko. At ayoko ng maulit iyon. Mas malaki ang tsansang mawala siya kapag naging kami ulit. At least kapag magkaibigan lang kami, panghabambuhay.

Sa buhay, dumarating tayo lagi sa mga crossroads. Mga daang naghihiwalay at pinipilit tayong magdesisyon. Mahal ko pa rin si Nikko. Siguro kung kami talaga, darating ulit ang panahon na magtatagpo ulit ang nararamdaman namin. Pero sa ngayon, ganito muna... Bahala na.



*****
Bongga! Emoterang bakla! Nandiyan na humihindi pa!
Hanggang saan kakayanin ni Green ang pagmamatigas niya?
Sabagay to good to be true na,an talaga ang ganap ni Nikko.
Ano na ang mangyayari kay Ram ngayong nahuli siya ni Erik?
May happy ending kaya ang dalawa o happy ending alone ang drama ni Ram?
So far so good naman si Edgar, pero hanggang kailan?
Knowing Edgar na magnet ng malas, hindi puwedeng smooth sailing lahat.
Ano ang gagawin ni David kapag nalaman ang nangyari kay Monti?
Saan papunta ang thriller na ganap niya with Roger?

Ito at marami pa ang aabangan niyo next week sa...
RAINBOW CONNECTION
The Final Season

LAST THREE Episodes nalang!!!

No comments:

Post a Comment